--Ads--

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga nagsipagtapos sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na gamitin ang kanilang natamong edukasyon hindi lamang para sa pansariling tagumpay kundi para rin sa kapakanan ng kapwa at kaunlaran ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa ika-58 Commencement Exercises ng PLM na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, binigyang-diin ng Pangulo na higit pa sa diploma o sertipiko ang tunay na halaga ng edukasyon.

Ayon kay Marcos, ang pagtatapos ng pag-aaral ay nagbibigay ng mas malaking pagkakataon para magtagumpay, makatulong sa pamilya at makapagbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan.

Iginiit din niya na ang edukasyon ay dapat magsilbing daan tungo sa mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino.

--Ads--

Hinimok ng Pangulo ang mga nagtapos na manatiling tapat sa mga pagpapahalaga ng PLM at gamitin ang kanilang kaalaman upang makatulong sa pagbuo ng mas matatag, maunlad at makataong Pilipinas.

Samantala, binigyang-diin din ni Marcos ang mga programa ng pamahalaan para mapalawak ang access sa edukasyon, kabilang ang Free Higher Education Program, Tertiary Education Subsidy, Tulong Dunong Program, at mga technical-vocational training na ipinatutupad ng CHED at TESDA.

Sa naturang seremonya, ginawaran din si Marcos ng pinakamataas na honorary degree ng unibersidad na Doctor of Laws, Honoris Causa bilang pagkilala sa kanyang serbisyo at suporta sa edukasyon.

Dumalo rin sa okasyon sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano at iba pang opisyal ng pamahalaan.