Anim na miyembro ng Aeta community, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos tumaob ang sinasakyan nilang motorized banca sa Mapanuepe Lake sa Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales nitong Huwebes, Agosto 27.
Ayon sa paunang ulat, 13 katao ang sakay ng bangka nang mangyari ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon habang pauwi ang grupo sa Sitio Lomibao. Apat ang nakaligtas, anim ang nasawi at tatlo ang patuloy na hinahanap.
Kabilang sa mga nawawala ang dalawang batang edad lima at 12, at isang buntis na babae. Patuloy ang search and rescue operations sa lawa.
Ayon kay Liza Balario, Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Barangay Buhawen, pauwi na ang grupo matapos kumuha ng gamot at pagkain sa barangay proper nang lumakas ang hangin habang nasa gitna ng lawa.
May hiwalay namang ulat na nagsasabing posibleng overloading ang sanhi ng pagtaob, ngunit hindi pa kumpirmado ang pinal na dahilan ng insidente.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad para mahanap ang tatlong nawawala at matukoy ang buong detalye ng insidente.











