--Ads--

Mahigit 200 tauhan ng Bureau of Fire Protection o BFP ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y “slot-for-sale” scheme sa recruitment ng ahensya, ayon sa Department of the Interior and Local Government o DILG.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, saklaw ng imbestigasyon ang mga tauhan ng BFP sa buong bansa bilang bahagi ng hakbang na sugpuin ang korapsyon sa bureau.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos ang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Region 3 sa San Fernando City, Pampanga noong Agosto 24, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 32-anyos na BFP personnel.

Nahuli umano ito habang tumatanggap ng ₱300,000 mula sa isang complainant kapalit ng pangakong makakuha ng puwesto sa BFP.

--Ads--

Ayon sa DILG, nasa ₱100,000 hanggang ₱800,000 umano ang ibinabayad ng ilang aplikante para sa BFP slots.

Samantala, isang senior BFP officer sa CALABARZON na umano’y konektado sa naturang scheme ang inalis muna sa puwesto at inilagay sa restrictive duty habang iniimbestigahan.

Nagbabala si Remulla na hahabulin at sasampahan ng kaso ang mga mapatutunayang sangkot sa bentahan ng puwesto.

Target ng kalihim na malinis ang BFP at maresolba ang isyu sa loob ng anim na buwan.