Nanawagan ang Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago City sa lahat ng residente na patuloy na makiisa at maging mapagmatyag laban sa banta ng sunog sa kabila ng nararanasang tag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago City, sinabi niyang hindi nangangahulugang ligtas na ang mga komunidad sa sunog dahil lamang sa madalas na pag-ulan.
Aniya, nananatili pa ring pangunahing sanhi ng mga insidente ng sunog ang mga electrical fault, overloaded na saksakan, mga kagamitang de-kuryenteng naiiwang nakasaksak, at iba pang kapabayaan sa loob ng tahanan.
Dahil dito, hinikayat ng BFP Santiago City ang publiko na regular na inspeksiyunin ang mga linya ng kuryente at kagamitang de-kuryente bago umalis ng bahay o matulog. Pinayuhan din ang mga residente na tiyaking ligtas ang paggamit ng LPG at iba pang pinagmumulan ng apoy, at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng BFP ang anumang senyales ng sunog o mapanganib na sitwasyon.
Binigyang-diin ni Guillermo na mahalaga ang pakikipagtulungan ng bawat residente sa pagpapatupad ng fire safety measures upang maiwasan ang mga sakuna at mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng bawat pamilya.
Aniya, ang pagiging maingat at responsableng mamamayan ang pinakamabisang paraan upang mapanatiling ligtas ang komunidad laban sa sunog, anuman ang kondisyon ng panahon.











