--Ads--

Tumanggi ang Nepal na tumanggap muna ng tulong mula sa mga foreign search and rescue team kasunod ng mapaminsalang flash flood na tumama sa ilang lugar sa bansa nitong Miyerkules.

Ayon sa Nepali Foreign Ministry, sapat pa umano sa ngayon ang kanilang sariling mga rescue team para magsagawa ng search and rescue operations sa mga lugar na sinalanta ng baha.

Malubhang naapektuhan ang Rasuwa district na malapit sa border ng China, kung saan winasak ng baha ang ilang komunidad at napinsala ang mga hydropower plant.

Iniulat na nasa halos 500 na ang nasawi sa insidente, habang daan-daang foreign nationals ang patuloy na nawawala.

--Ads--

Kabilang dito ang mga South Korean national, kung saan sinabi ng South Korean Foreign Ministry na nagpadala na sila ng response team sa Nepal at nakahanda ring magpadala ng disaster relief team.

Gayunman, sinabi ng Nepal na hindi pa nito kinakailangang tumanggap ng foreign rescue teams.

Ayon naman sa South Korea, patuloy silang nakikipag-negosasyon sa pamahalaan ng Nepal para sa posibleng pagpasok ng kanilang rescue personnel.

May ilang bansa, kabilang ang India, China, United States, Britain, Japan, South Korea, Sri Lanka at Bangladesh, na nag-alok din ng search and rescue assistance.

Samantala, itinanggi ng Nepali Foreign Ministry na may kinalaman sa China ang kanilang desisyon, matapos sabihin ng isang dating Nepali ambassador na posibleng sensitibo ang lokasyon ng Rasuwa dahil katabi ito ng Tibet, China.

Sinabi ng Nepal na ang desisyon ay nakabatay lamang sa kakayahan ng sarili nitong mga rescue team na pangasiwaan ang operasyon.