Inirekomenda ang pagpapatupad ng gate pass system para sa mga sasakyang pumapasok sa mga paaralan sa Cauayan City bilang karagdagang hakbang sa pagpapaigting ng seguridad sa mga school premises.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Malillin, hepe ng Public Order and Safety Division, sinabi nitong makatutulong ang pagkakaroon ng gate pass sa mas maayos na pagkilala at pagmomonitor sa mga sasakyang pumapasok at lumalabas sa mga paaralan.
Binigyang-diin din ni Malillin ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng Philippine National Police o PNP at mga school administrator upang matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng naturang security measure at naaayon sa sitwasyon at pangangailangan ng bawat paaralan.
Layunin ng rekomendasyon na mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral, guro at school personnel, gayundin ang mas mahigpit na kontrol sa mga sasakyang pumapasok sa loob ng mga paaralan.
Patuloy naman ang panawagan para sa pagtutulungan ng mga awtoridad, paaralan at iba pang stakeholders upang mapanatili ang ligtas at maayos na learning environment para sa mga mag-aaral.











