Isinagawa ngayong araw ang Fruit-Bearing Tree Planting Activity bilang bahagi ng paggunita sa National Heroes Day sa Veterans’ Tribute Skatepark, Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Ito ay pinangunahan ng City Tourism Office katuwang ang Veterans Federation of the Philippines–3rd District, City Environment and Natural Resources Office (CENRO), mga opisyal ng Barangay Tagaran, Philippine National Police, at iba pang volunteers at community stakeholders.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Tourism Officer Maribel Eugenio, sinabi nitong nais nilang gawing mas makabuluhan ngayong taon ang paggunita sa Araw ng mga Bayani.
Aniya, kung karaniwang pag-aalay ng bulaklak ang kanilang isinasagawa sa mga nakalipas na taon, naisip nilang magsagawa naman ngayon ng pagtatanim ng mga punong namumunga upang magkaroon ito ng pangmatagalang pakinabang.
Nakipag-ugnayan aniya ang City Tourism Office sa mga concerned offices upang mapagplanuhan nang maayos ang aktibidad at matukoy ang mga angkop na uri ng punong maaaring itanim sa napiling lugar.
Kabilang sa mga itinanim ang mga punong mangga, na kinikilala bilang pambansang prutas ng Pilipinas, at pomelo trees.
Ayon kay Eugenio, ang pagtatanim ng puno ay maituturing din bilang act of heroism dahil maliban sa nakakatulong ito sa pagpapaganda ng kalikasan ay maaari pa itong mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.











