--Ads--

Nagpaalala si Isabela Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy sa mga hog raisers sa lalawigan na maging maingat sa pag-aalaga ng kanilang mga baboy kasunod ng muling pagkakatala ng mga kaso ng African Swine Fever o ASF sa ilang bayan sa Isabela.

Sa naging pahayag ni VG Dy, hinimok niya ang mga hog raisers na regular na obserbahan ang kondisyon ng kanilang mga alaga at agad na ipagbigay-alam sa mga kinauukulang awtoridad kung may mapansing sintomas na maaaring indikasyon ng ASF.

Binigyang-diin ng bise gobernador na huwag agad ibenta, katayin o ilipat sa ibang lugar ang mga baboy na pinaghihinalaang infected, dahil maaaring kumalat ang virus at makahawa sa iba pang alagang baboy.

Ayon kay Dy, mas mainam na agad na makipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office o Veterinary Office upang maisailalim sa kaukulang pagsusuri at mabigyan ng tamang aksyon ang mga apektadong hayop.

--Ads--

Babala niya, ang pagtatago ng impormasyon at pagbebenta o pagkakatay ng mga pinaghihinalaang infected na baboy nang walang pagsusuri ay maaaring magpalala sa sitwasyon at magdulot ng mas malaking pagkalugi sa mga hog raisers.

Giit ng bise gobernador, mas malaki ang maaaring maging epekto sa kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy kung patuloy na maikakalat ang ASF dahil maaari nitong maapektuhan ang mas maraming alagang hayop at maging ang suplay ng baboy sa mga komunidad.

Hinikayat din niya ang mga hog raisers na sundin ang mga biosecurity measures at iba pang abiso ng mga veterinary authorities upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng ASF sa lalawigan.