Naniniwala ang isang student journalist sa Isabela State University-Cauayan Campus na hindi kailangang ialay ang buhay upang maituring na bayani, dahil maipapakita rin umano ang pagiging makabayan sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtulong sa kapwa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Adina Kim G. Bulan, Editor-in-Chief ng media publication ng Isabela State University-Cauayan Campus, sinabi niyang mahalagang iugnay ng kabataan ang mga ginawa at ipinaglaban ng mga bayani noon sa mga isyung kinakaharap ng bansa sa kasalukuyan.
Para kay Bulan, kabilang sa mga maituturing na modern-day heroes ang mga magsasaka dahil sa malaking ambag ng mga ito sa suplay ng pagkain sa bansa.
Gayunman, sinabi niyang hindi pa umano sapat ang pagkilala at suporta sa mga magsasaka sa kabila ng kanilang mga sakripisyo.
Samantala, binigyang-diin niya ang papel ng mga student journalist sa pagbibigay ng boses sa mga isyung kinakaharap ng komunidad.
Hinikayat niya ang mga kabataan na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media at huwag ipikit ang kanilang mga mata sa mga problemang nangangailangan ng atensyon.
Aniya, sa pamamagitan ng pagsusulong sa katotohanan, integridad at serbisyo, maaaring makatulong ang kabataan sa bayan at maipagpatuloy ang mga pagpapahalagang ipinaglaban ng mga bayani.











