Haharap ngayong araw sa Senate Impeachment Court ang dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa ika-20 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sasalang bilang mga testigo sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio upang magbigay-linaw sa mga sertipikasyon ng militar na ginamit ng Department of Education o DepEd sa pagtugon sa obserbasyon ng COA kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱112.5 milyong confidential funds.
Tutuon ang pagdinig sa mga dokumentong nag-uugnay sa confidential funds sa mga aktibidad gaya ng Youth Leadership Summit o YLS.
Ayon sa House impeachment team, mahalagang malaman kung paano inilabas ang mga sertipikasyon at kung paano ito ginamit ng DepEd sa pagsagot sa COA.
Samantala, nananatili sa listahan ng mga testigo si dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda na nakatakdang humarap sa Setyembre 7, habang si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande naman ang nakatakdang tumestigo sa Setyembre 2.










