--Ads--

Umabot sa 37 katao kabilang ang isang dalawang buwang sanggol ang nakalistang recipients ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte na ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay matagal nang patay.

Sa ika-22 araw ng impeachment trial, iprinisinta ng prosecution si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande bilang ika-10 testigo sa Article 1 hinggil sa umano’y iregular na paggasta ng ?612.5 milyong confidential funds.

Sa direktang pagtatanong ni private prosecutor Mae Divinagracia, kinumpirma ni Grande na sa re-verification ng single-match entries, lumabas na 32 pangalan sa listahan ng OVP at 5 mula sa DepEd ay may opisyal na death certificates sa Civil Registry System.

Tinukoy ni Grande ang mga nakalistang patay na recipients na isang Marlin Sunga – namatay noong Nobyembre 2, 1965, na dalawang buwan pa lamang ang edad. Fortunato Salig – nakatanggap umano ng P200,000 reward, pero namatay na noong Hunyo 29, 2011; Emilio Sagan, 49-anyos – nakalista na tumanggap ng P70,000, pero patay na mula Hulyo 28, 2015; at Rodolfo Traya – nakatanggap umano ng P120,000, pero namatay na noong Mayo 4, 2021.

--Ads--

Bukod pa rito, binanggit ni Grande na may 20 menor-de-edad sa OVP listahan at 5 menor-de-edad sa DepEd listahan na nakatala bilang recipients ng confidential funds.

Pinuna ng prosecution na ang OVP ay naglista ng 1,992 recipients para sa P500 milyong confidential funds, habang ang DepEd naman ay 677 recipients para sa P112.5 milyon.