--Ads--

Mahigit 25 katao ang nasawi matapos masunog ang isang cargo ship na may dayuhang bandila habang nakadaong sa isang pantalan sa China, ayon sa ulat ng state media.

Sa kabuuang 42 katao na sakay ng barko, 12 ang ligtas na nailikas habang lima naman ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga sugat ngunit nasa matatag na kondisyon.

Ayon sa state news agency na Xinhua, sumiklab ang sunog bandang alas-11:15 ng umaga habang nakadaong ang barko para kumpunihin sa Beihai Shipbuilding Company sa daungan ng Qingdao, isa sa mga pangunahing shipping hub sa hilagang-silangang bahagi ng baybayin ng China.

Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng sunog at kung tuluyan na itong naapula.

--Ads--

Sa larawang inilabas ng Xinhua, kinilala ang barko bilang Ocean Melody, na naglalayag sa ilalim ng bandila ng Liberia, ayon sa pampublikong vessel-tracking website na VesselFinder.

Inatasan ni Chinese President Xi Jinping ang agarang pagsasagawa ng search-and-rescue operations.

Ayon sa ulat ng Xinhua, binigyang-diin ni Xi ang pangangailangang agarang hanapin ang mga nawawalang tao at papanagutin ang sinumang may pananagutan sa insidente.

Nanawagan naman si Chinese Premier Li Qiang na agad na mailigtas ang mga naipit sa barko at mabigyan ng sapat na medikal na atensyon ang mga nasugatan.

Hinimok din niya ang mga awtoridad na mahigpit na pigilan ang posibleng paglala ng insidente o paglitaw ng iba pang sakuna.

Sinabi ni Xi na kinakailangang magsilbing aral ang pangyayari sa lahat ng rehiyon at mga kaukulang ahensya upang masusing imbestigahan at agad na matugunan ang lahat ng uri ng panganib na may kaugnayan sa sunog.