--Ads--

Nilimitahan muna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Isabela Third District Engineering Office ang mga sasakyang maaaring dumaan sa Ganano Bridge sa Barangay San Antonio, Alicia, Isabela, matapos matuklasan ang malaking pinsala sa abutment ng naturang tulay.

Ayon kay Engr. Joven Tadije, Chief Maintenance ng DPWH Isabela Third District Engineering Office , kahapon umano nang mapansin ng kanilang foreman ang kakaiba sa bahagi ng abutment ng Ganano Bridge. Nang inspeksyunin ito, nakita ang malaking crack o pinsala sa naturang bahagi.

Ipinaliwanag ng DPWH na dalawang abutment ang Ganano Bridge—Abutment A sa southbound at Abutment B sa kabilang bahagi. Pinakamalaki umano ang nakitang crack sa Abutment A, na makikita sa magkabilang panig nito, habang mayroon na ring crack sa Abutment B na patuloy ding mino-monitor.

Samantala, wala namang nakitang problema sa ilalim o mismong bahagi ng bridge structure batay sa isinagawang paunang inspeksyon ng mga tauhan ng DPWH.

--Ads--

Dahil dito, nagsagawa muna ang DPWH ng temporary vertical clearance upang maiwasan ang pagdaan ng mga heavy truck na maaaring magdulot ng panganib habang isinasagawa ang mas masusing pagsusuri sa kondisyon ng tulay.

Dumating na rin ang mga tauhan mula sa regional office ng DPWH upang magsagawa ng karagdagang assessment sa pinsala. Hinihintay pa ang kanilang magiging opisyal na ulat upang matukoy ang eksaktong lawak ng damage at mga kinakailangang hakbang para sa pagkukumpuni.

Sa ngayon, 2.4 meters lamang ang itinakdang maximum vertical clearance para sa mga sasakyang maaaring dumaan sa Ganano Bridge, kaya hindi muna pinapayagang dumaan dito ang malalaking trak.

Pinapayuhan ang mga truck driver na bibiyahe sa lugar na gamitin ang Alicia–Angadanan Bypass Road at Alicia–San Mateo Bypass Road bilang alternatibong ruta.

Magkakaroon din ng mga tauhan ng DPWH na magbabantay sa lugar, kapwa sa umaga at gabi, upang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na height restriction.

Nanawagan naman ang DPWH Isabela Third District Engineering Office sa publiko, lalo na sa mga motorista at truck driver, na sundin ang traffic advisory at huwag nang tangkaing dumaan ang mga sasakyang lampas sa itinakdang 2.4-meter clearance. Kinakailangan ang restriction upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapangalagaan ang integridad ng Ganano Bridge habang isinasagawa ang pagsusuri at kinakailangang maintenance.