--Ads--

Naniniwala ang isang legal strategist na walang magiging pagkiling ang apat na retiradong mahistrado ng Supreme Court na pinili ng Senate Impeachment Court bilang mga legal adviser sa usapin ng voting threshold para sa paglitis kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Dan Cartagena, pinuri nito ang pagpili sa apat na retiradong hukom dahil wala umano siyang nakikitang pagkakataon na nagpahayag ang mga ito ng kani-kanilang political opinion.

Kabilang sa mga pinuri at kinilala ni Cartagena bilang mga respetadong personalidad sa larangan ng batas sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno, at Hilario Davide Jr., pati na rin si retired Associate Justice Rodolfo Azcuna.

Ipinaliwanag ni Cartagena na bagama’t may napansin siyang political leaning kay Davide, nakatuon lamang ito sa lokal na pulitika at hindi nakasasawsaw sa umiiral na hidwaan sa pagitan ng pamilya Marcos at Duterte.

--Ads--

Binanggit din nito si Azcuna na madalas mang magbigay ng mga panayam ay palaging inilalahad ang magkabilang panig ng isyu, kaya’t malinaw na walang ipinapakitang pagkiling ang mga opinyon nito.

Nauna nang ginarantiyahan ng Senate Impeachment Court na naging impartial o patas ang proseso sa pagpili sa apat na retiradong mahistrado ng Mataas na Hukuman upang magsilbing amici curiae o “mga kaibigan ng korte.”

Samantala, iginiit din ni Cartagena na dapat manatili ang impeachment court sa probisyon ng Saligang Batas na dalawang-katlo (two-thirds) ng lahat ng miyembro ng Senado ang kinakailangang boto upang ma-convict ang isang opisyal.

Binigyang-diin ng abogado na speculative lamang at hindi kayang gawing legal na argumento ang mga espekulasyong posibleng hindi makaboto ang ilang senador na hindi nakadadalo sa mga pagdinig ng impeachment trial.