Pinadalhan ng Department of Justice o DOJ ng subpoena si Senator Robin Padilla kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa ng Philippine National Police o PNP laban sa kaniya at iba pa, dahil sa pag-alis ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado habang may arrest warrant laban dito mula sa International Criminal Court o ICC.
Inatasan si Padilla na humarap sa panel of prosecutors at magsumite ng kaniyang counter-affidavit sa Setyembre 25 at Oktubre 9.
Kinumpirma rin ni Padilla sa kaniyang Facebook post ang pagtanggap ng subpoena, na sinabing, “A subpoena has arrived.”
Una nang naghain ng reklamo ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group laban kay Padilla at iba pa noong Mayo dahil umano sa pagtulong kay Dela Rosa na makaalis sa Senate premises.
Si Dela Rosa ay subject ng ICC arrest warrant kaugnay ng umano’y criminal responsibility sa crimes against humanity of murder na naganap mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.
Itinanggi naman ni Padilla na tinulungan niyang makatakas si Dela Rosa, at sinabi nitong nakisakay lamang sa kaniyang sasakyan ang dating PNP chief nang umalis sila sa Senado noong Mayo 14.











