Mananatiling nakadetine sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos na magpasya ang International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III na ipagpatuloy ang kaniyang detention.
Sa desisyong inilabas matapos ang ikatlong status conference, sinabi ng mga hukom na may posibilidad na tumakas si Duterte o makialam sa imbestigasyon at mga paglilitis ng korte.
Binigyang-diin din ng Chamber na maaaring tumaas ang posibilidad na maimpluwensyahan ang mga testigo matapos isapubliko ng prosekusyon ang kanilang mga pangalan at ang inaasahang testimonya.
Samantala, hindi pa nagpapasya ang Chamber sa usapin ng fitness ni Duterte para sa paglilitis, matapos kuwestiyunin ng kaniyang depensa ang ulat ng medical expert panel.
Gayunman, sinabi ng mga hukom na walang naipakitang bagong impormasyon o pagbabago sa sitwasyon na maaaring maging batayan para baguhin ang kaniyang detention.











