--Ads--

Itinakda na ng International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity o krimen laban sa sangkatauhan sa The Hague, Netherlands.

Alas-10 ng umaga sa The Hague o alas-5 ng hapon sa Pilipinas sisimulan ang pagdinig sa ilalim ng Trial Chamber III, na pangungunahan nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong murder at attempted murder na umano’y bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Saklaw ng tatlong bilang ng kaso ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong panahon ng kaniyang panunungkulan bilang alkalde mula 2013 hanggang Hunyo 2016; pagpatay sa mga tinaguriang high-value targets sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017; at mga insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na iniugnay sa barangay clearance operations mula Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2018.

--Ads--

Sa pagsisimula ng paglilitis, titiyakin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga paratang laban sa kaniya at tatanungin kung umaamin siya o itinatanggi ang mga naturang kaso.

Susundan ito ng opening statements mula sa prosekusyon, mga legal representative ng mga biktima at depensa kung pipiliin nitong maglahad ng pahayag.

Inilaaanan ng anim na oras ang prosekusyon para sa kanilang pambungad na pahayag, habang tatlong oras naman ang ibinigay sa mga kinatawan ng mga biktima.

Inaasahang tatawagin ang unang testigo ng prosekusyon matapos ang mga opening statements. Magpapatuloy ang mga pagdinig mula Nobyembre 30, alinsunod sa iskedyul na maaaring baguhin ng korte depende sa pangangailangan ng bawat paglilitis.