Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang paghihigpit sa internet at social media access ng mga menor de edad kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, makikipagtulungan ang DILG sa Department of Information and Communications Technology o DICT upang hilingin sa Kongreso ang mga hakbang para malimitahan ang paggamit ng social media ng mga bata.
Sinabi rin ni Remulla na nais niyang humingi ng pahintulot sa Supreme Court upang mabigyan ng kapangyarihan ang Philippine National Police na magsagawa ng inspeksyon sa tahanan ng mga may-ari ng lisensyadong baril, upang matiyak na maayos ang pagkakaseguro ng mga ito.
Ayon kay Remulla, ang baril na ginamit sa insidente ay rehistrado sa ama ng 14-anyos na estudyanteng tinukoy na suspek. Tatlo umano ang rehistradong baril ng ama, na isang opisyal ng Department of Education, ngunit hindi sapat ang pagkakaseguro sa mga ito.
Sinabi rin ng kalihim na kabilang sa kanilang tinitingnang usapin ang paggamit ng internet ng mga bata, matapos niyang sabihin na umano’y madalas gumamit ng “deep, dark web” ang estudyanteng suspek.











