Nasawi ang apat na katao matapos magsagawa ng airstrike ang militar ng Estados Unidos laban sa isang barko sa Caribbean nitong Sabado na umano’y sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.
Ayon sa US Southern Command, nakumpirma umano sa intelligence report na aktibong sangkot sa narco-trafficking ang naturang barko.
Bahagi ito ng kampanya ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa mga grupong tinutukoy nito bilang mga narco-terrorist, na nagsimula noong nakaraang taon.
Naganap ang pinakahuling strike sampung araw matapos ang isa pang pag-atake sa Caribbean na ikinasawi ng tatlong katao, ayon sa militar ng Amerika.
Mula nang ilunsad ang kampanya, mahigit 220 katao na umano ang nasawi sa mga pag-atake ng US laban sa mga sasakyang-dagat sa Caribbean at Eastern Pacific.
Samantala, tinutulan ng ilang human rights groups ang naturang operasyon at tinawag itong extrajudicial killings.









