Bubuo ang Department of the Interior and Local Government o DILG ng komprehensibong plano para tugunan ang sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nakatakda siyang makipagpulong sa mga eksperto ngayong Miyerkules upang pag-usapan ang mga hakbang para maiwasan ang mga katulad na insidente.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla na apat na indibidwal ang nahuli ng DILG matapos umanong magplano ng panibagong school shooting sa Mindanao.
Ayon sa kalihim, nag-post umano sa social media ang apat tungkol sa kanilang plano, dahilan upang seryosohin ito ng mga awtoridad at agad silang maaresto.
Samantala, isinusulong din sa Kamara ang pagpapalakas ng mental health support at seguridad sa mga paaralan, kabilang ang 10,000 school counselor associate positions na target mapunan nang buo bago matapos ang Disyembre.
Ang mga hakbang ay kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong nakaraang linggo at sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto.











