Binigyang-diin ng City Nutrition Office ng Cauayan ang kahalagahan ng Kainang Pamilya Mahalaga Day na ipinagdiriwang tuwing ika-apat na Lunes ng Setyembre.
Sa ilalim ng Proclamation No. 326 at Memorandum Circular No. 136, ipinatupad ang suspensyon o pagpapaikli ng oras ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan simula 1:00 ng hapon na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilya na
magsalu-salo sa hapag-kainan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Nutrition Officer Mary Jane Yadao, sinabi nito na ang simpleng salo-salo ng pamilya ay isa sa pinakamabisang paraan para mapatatag ang pagsasama ng pamilya.
Maliban sa mismong pagsasalong kumain, nilinaw ni Yadao na dapat ding napag-uusapan sa pamilya ang tamang nutrisyon para mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa’t isa.
Mahalaga rin na kumustahin ang mga anak upang malaman ang kanilang sitwasyon at makapagbigay ng suporta o tulong kung kinakailangan.
Hinikayat din niya ang mga magulang na ipagpatuloy ang ganitong mga gawain hindi lamang ngayong araw na ipinagdiriwang ang Kainang Pamilya Mahalaga Day kundi sa lahat ng pagkakataon.











