Kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo ang umano’y palakasan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng housing projects ng National Housing Authority o NHA, partikular para sa mga biktima ng kalamidad at trahedya.
Sa pagtalakay sa panukalang ₱5.498-bilyong budget ng Department of Human Settlements and Urban Development at mga attached agency nito para sa 2027, sinabi ni Tulfo na nakatanggap siya ng mga reklamo na may mga lokal na opisyal na pinapaboran ang kanilang kakilala sa pamamahagi ng pabahay.
Ayon naman sa NHA, mula sa local government units o LGUs ang listahan ng mga benepisyaryo, na bina-validate ng Office of Civil Defense bago isumite sa ahensya.
Sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na tinitiyak nilang hindi pa nakatanggap ng housing unit ang mga nasa listahan upang maiwasan ang duplication.
Iginiit naman ni Tulfo na dapat magkaroon ng sistema para matiyak na hindi napapaboran ang mga kaalyado, campaign workers o tauhan ng mga lokal na opisyal.
Samantala, sinabi ng NHA na mahigpit nilang imo-monitor ang mga benepisyaryo at kakanselahin ang karapatan sa housing unit kapag naibenta ito sa ibang tao.









