--Ads--

Inggit ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pagsunog sa isang kolong-kolong, dalawang motorsiklo, limang sako ng abono at isang bisikleta sa Solano, Nueva Vizcaya, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱320,000.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Danilo Agravante, may-ari ng mga ari-ariang sinunog, sinabi nitong papalapit na siya sa pinagparadahan ng kanilang mga sasakyan nang makita niyang nasusunog na ang kanyang motorsiklo at mga sako ng abono.

Agad umano siyang humingi ng tulong matapos makita ang insidente.

Ayon kay Agravante, nasa kanilang bahay na malapit sa ilog nang mangyari ang insidente, habang nakaparada naman ang kanilang mga sasakyan sa isang bukirin na medyo malayo sa kanilang tahanan at halos dalawang buwan na nilang ginagamit na paradahan.

--Ads--

Wala rin umano silang nakakaaway o nakakaalitan sa kanilang lugar kaya malaking palaisipan sa kanilang pamilya kung bakit sila pinagbalingan.

Samantala, dalawang bote ng Mountain Dew na may lamang gasolina ang nakita umano ng mga awtoridad malapit sa kanilang mga motorsiklo.

Dahil magkakalapit ang kolong-kolong, tatlong motorsiklo, limang sako ng abono at bisikleta, mabilis na kumalat ang apoy at natupok ang mga ito.

Ayon kay Agravante, posibleng inggit ang motibo sa insidente dahil napapansin umano ng iba na umaangat ang kanilang buhay.

Isa sa mga motorsiklong nasunog ay 15 taon na niyang ginagamit sa paghahatid at pagsundo sa kanyang mga apo sa paaralan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa insidente at kung ano ang tunay na motibo sa pagsunog.

Nanawagan naman si Agravante sa publiko na kung may nais tumulong sa kanilang pamilya matapos ang insidente, malugod nila itong tatanggapin.