Posibleng welding arc ang pinagmulan ng malaking sunog na tumupok sa isang warehouse sa Barangay Magsaysay, Alicia, Isabela, bandang alas-1:30 ng hapon nitong Lunes, Setyembre 28, 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Renato, isa sa mga trabahador sa pasilidad, sinabi nitong kasalukuyan silang nagwe-welding sa hagdan habang nagpipintura naman ang isa nilang kasamahan nang biglang sumiklab ang apoy mula sa mga talsik ng welding arc.
Mabilis na kumalat ang apoy sa hagdanan at agad itong sinubukang apulahin ng mga trabahador gamit ang tubig. Gayunman, dahil sa tindi ng apoy, tuluyang nasakop nito ang kanilang labasan.
Napilitan ang mga trabahador na dumaan sa scaffolding upang makababa ng gusali at makaligtas.
Ayon pa kay Renato, halos 10 niyang kasamahan ang nagtulong-tulong sa ibaba upang apulahin ang apoy. Ngunit dahil naglalaman ang warehouse ng mga madaling magliyab na materyales gaya ng pintura at butane, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang matupok ang buong gusali.
Agad namang tumawag sa Bureau of Fire Protection o BFP ang may-ari ng warehouse.
Dahil sa mabilis na paglaki ng sunog, itinaas ito sa second alarm, dahilan upang rumesponde ang siyam na fire truck mula sa Alicia, Echague, Angadanan, San Mateo, San Isidro at Cauayan City.
May mga naitalang nasugatan o napaso sa insidente, partikular ang ilang trabahador na unang nagtangkang apulahin ang apoy, ngunit wala namang naiulat na nasawi.
Idineklarang fire out ang insidente bandang alas-4 ng hapon.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng BFP ang kabuuang halaga ng pinsala, habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Bureau of Fire Protection ang mga may-ari ng negosyo at mga pasilidad na mahigpit na ipatupad ang mga fire safety measures, lalo na sa mga lugar na nag-iimbak ng mga madaling magliyab na materyales.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO4 Samuel Domingo, Fire Marshal ng BFP Alicia, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsunod sa Minimum Fire Safety Standards, kabilang ang pagkakaroon ng sapat na fire extinguishers, maayos na emergency exits at tamang pag-iimbak ng mga flammable materials.
Ayon kay SFO4 Domingo, mahalagang maging handa ang bawat establisyemento sa posibleng sunog upang agad na maaksyunan ang insidente at maiwasan ang paglala ng pinsala sa ari-arian at higit sa lahat, maprotektahan ang buhay ng mga manggagawa at iba pang taong nasa lugar.











