Arestado sa ikalimang pagkakataon ang isang 56-anyos na lalaki dahil umano sa pagbebenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bascaran, Solano, Nueva Vizcaya nitong Linggo, Setyembre 20.
Ayon sa Municipal Drug Enforcement Unit ng Solano PNP na nanguna sa operasyon, nakalaya ang suspek sa mga nauna nitong pagkakaaresto matapos makinabang sa plea bargaining agreement.
Gayunman, muli umano itong gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga kaya muling naaresto ng mga awtoridad.
Sa operasyon, isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.148 gramo ang umano’y naibenta ng suspek kapalit ng ₱500 buy-bust money.
Narekober din ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.176 gramo.
Sa kabuuan, 0.324 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska na may standard drug price na ₱2,202.
Narekober din ang cellphone na umano’y ginamit sa transaksiyon.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











