--Ads--

Umabot na sa 15 motorsiklo ang na-impound ng Highway Patrol Group dahil sa mga paglabag sa batas trapiko at mga lokal na ordinansa sa nakalipas na isang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, patuloy ang kanilang pagpapatupad ng traffic laws at pagsasagawa ng enforcement laban sa mga motorista na lumalabag sa mga umiiral na alituntunin sa kalsada.

Sinabi ni PMaj. Bagayao na kabilang sa kanilang enforcement action ang pag-impound sa mga motorsiklong lumalabag sa mga probisyon ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code na may kaukulang parusang impounding.

Maaari namang ma-release ang mga na-impound na motorsiklo matapos maisagawa ng may-ari o motorista ang mga kinakailangang hakbang, matugunan ang documentary requirements at mabayaran o maisagawa ang kaukulang parusa para sa paglabag.

--Ads--

Patuloy naman ang paalala ng kapulisan sa mga motorista na sumunod sa mga batas trapiko at lokal na ordinansa upang maiwasan ang traffic violations at kaukulang administrative sanctions.