Pinaigting ngayon ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang kanilang koordinasyon sa mga barangay at lokal na kapulisan upang mas mapalakas ang kampanya kontra carnapping sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay PMaj. Renoli Bagayao, Team Leader ng HPG Isabela, mahalaga umano ang matibay na ugnayan sa pagitan ng kanilang tanggapan, mga barangay officials, at lokal na pulisya upang mapabilis ang pagtugon sa mga naitatalang kaso ng carnapping sa probinsya.
Malaki rin aniya ang naitutulong ng mga nakakabit na CCTV cameras sa iba’t ibang lugar dahil nagagamit ang mga ito sa pagba-backtrack sa galaw ng mga suspek at maging sa mga ninakaw na sasakyan.
Sa pamamagitan ng mga nakukuhang CCTV footage, mas napapadali ang pagtukoy sa rutang dinaanan ng mga suspek at sa mga posibleng lokasyon na kanilang pinagtataguan.
Dagdag pa niya, patuloy din silang nagsasagawa ng information drive at pakikipagpulong sa mga barangay upang higit pang mapalakas ang pagbabantay sa kani-kanilang komunidad at agad na maiparating sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Kasabay nito, hinihikayat ng opisyal ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad at tiyaking may sapat na seguridad ang kanilang mga sasakyan upang makaiwas sa mga insidente ng carnapping.











