--Ads--

Nakapaghanda na ng deployment plan ang Highway Patrol Group (HPG) Isabela bago pa man ang pagbubukas ng klase upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi nitong kabilang sa kanilang mga prayoridad na lugar ang mga paaralan sa Reina Mercedes at iba pang karatig na bayan kung saan inaasahan ang pagdami ng mga sasakyan at tao sa pagsisimula ng pasukan.

Ayon kay PMaj. Bagayao, isinagawa nila ang masusing pag-aaral sa mga lugar na pagdedeployan ng kanilang mga tauhan batay sa mga naitalang insidente ng aksidente sa mga nakalipas na taon. Aniya, kabilang sa mga dahilan kung bakit prayoridad ang ilang lugar ay dahil dito naitala ang mataas na bilang ng mga vehicular accident.

Layunin ng HPG na mabawasan ang mga aksidente sa kalsada at mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang mga motorista sa pagbubukas ng klase. Kabilang sa kanilang mga paghahanda ang paglalagay ng mga tauhan sa mga kritikal na lugar at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang law enforcement agencies.

--Ads--

Samantala, nanawagan  ang opisyal sa mga motorista na maging maingat at disiplinado sa pagmamaneho, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga paaralan.

Hinikayat din niya ang publiko na sumunod sa mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente at mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan sa pagsisimula ng panibagong school year.