--Ads--

Itinanggi ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang alegasyon ng ilang motorista na puro mga naka-motorsiklo lamang ang kanilang sinisita at hinuhuli sa mga paglabag sa batas-trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela,sinabi nitong may mga four-wheel vehicle din na kanilang hinuhuli at ini-impound dahil sa traffic violations.

Aniya, maaaring nagkataon lamang na mga naka-motorsiklo ang nakikita ng ilang residente na nahuhuli sa kanilang operasyon, ngunit hindi ito nangangahulugang sila lamang ang kanilang pinupuntirya.

Ayon kay PMaj. Bagayao, kadalasang naka-carnap ang mga motorsiklo kaya ang mahigpit na pag-iinspeksyon nila sa mga motorista ay bahagi ng kanilang hakbang upang maiwasan ang carnapping.

--Ads--

Maliban dito, ay motorsiklo rin ang ginagamit ng mga riding-in-tandem na nauugnay sa mga krimen kaya kinakailangang higpitan ng mga awtoridad ang pagsita sa mga naka-motorsiklo.

Giit ni Bagayao, walang pinipili ang HPG sa pagpapatupad ng batas-trapiko at lahat ng motorista ay saklaw ng kanilang operasyon.