--Ads--

Itinuturing ng isang law expert na positibong senyales ang mabilis na pagbasura ng Supreme Court sa mga petisyong kumukuwestiyon sa voting threshold ng Senate Impeachment Court.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi nito na kapansin-pansin ang naging bilis ng Korte Suprema sa pagresolba sa mga naturang petisyon, na ibinasura dahil sa lack of legal standing at prematurity.

Aniya, maaaring ipahiwatig ng mabilis na aksyon ng Supreme Court na hindi nito nakikitang kinakailangang makialam sa kasalukuyang yugto ng impeachment proceedings.

Sinabi ni Cayosa na premature ang mga petisyon dahil wala pa namang aktuwal na botohan at hindi pa batid ang magiging pinal na desisyon ng mga senador.

--Ads--

Giit niya, ang Senate Impeachment Court ang binigyan ng Saligang Batas ng kapangyarihang humawak at magpasya sa impeachment cases.

Dahil dito, umaasa si Cayosa na magsisilbing malinaw na mensahe ang desisyon ng Supreme Court na dapat munang hayaang isagawa ng Senado ang proseso at magdesisyon sa impeachment case.

Samantala, sinabi niyang maaari lamang magkaroon ng panibagong usapin na maaaring dalhin sa Korte Suprema kung magkakaroon na ng aktuwal na desisyon o pangyayaring may sapat na legal na batayan para sa judicial review.