Arestado ang isang 49-anyos na lalaki na kabilang sa Top 4 Regional Most Wanted Person matapos ipatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kaniya sa Barangay Palattao, Naguilian, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Lito,” 49-anyos, may asawa, driver at residente ng Barangay District 2, Reina Mercedes, Isabela.
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela Provincial Field Unit bilang lead unit, katuwang ang Naguilian Police Station, Regional Intelligence Unit 2 (RIU2) at Police Intelligence Team (PIT)-Isabela East.
Ipinatupad sa akusado ang warrant of arrest kaugnay ng apat na bilang ng rape, kabilang ang dalawang counts ng statutory rape sa ilalim ng Paragraph 1(d), Article 266-A ng Revised Penal Code, as amended by Republic Act No. 8353, at dalawang counts ng rape sa ilalim ng Article 266-A ng parehong batas at walang inirekomendang piyansa para sa lahat ng kaso.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang akusado sa kustodiya ng CIDG Isabela PFU para sa kaukulang proseso at pagsasagawa ng mga hakbang alinsunod sa batas.











