Desidido ang pamilya ng isa sa mga biktima ng insidente sa ginanap na fun run sa Cauayan South Central School (CSCS) na magsampa ng kaso laban sa mga organizer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marilou Tañedo, lola ng isa sa mga biktima, sinabi niyang humingi man ng paumanhin ang organizer, hindi na nito kayang pawiin ang sakit at bigat ng kanilang nararamdaman matapos ang insidente.
Ayon kay Tañedo, ang dapat sana ay masayang aktibidad na nilahukan ng mga estudyante ay nauwi sa isang trahedya na mahirap tanggapin ng kanilang pamilya.
Ibinahagi rin niya ang matinding sakit, galit at poot na kanilang nararamdaman, lalo na nang makita nila ang kanilang apo matapos ang insidente.
Nanindigan ang pamilya na hindi lamang ito maituturing na isang simpleng aksidente, kundi isang insidenteng nagpapakita umano ng negligence o kapabayaan sa bahagi ng mga responsable sa pag-organisa ng aktibidad.
Dahil dito, sinabi ng pamilya na determinado silang ituloy ang legal na hakbang upang mapanagot ang mga itinuturing nilang responsable sa nangyari.
Samantala, inaasahan ng pamilya na magkakaroon ng malinaw na imbestigasyon upang matukoy ang tunay na dahilan ng insidente at kung may mga pagkukulang o paglabag na naganap sa paghahanda at pagsasagawa ng nasabing aktibidad.
Para sa pamilya Tañedo, hindi na sapat ang paghingi ng paumanhin dahil ang pagkawala at sakit na kanilang nararanasan ay hindi na mababawi.











