Isinugod sa pagamutan ang ilang estudyanteng kalahok sa Bubble and Color Fun Run ng Cauayan South Central School (CSCS) sa Lungsod ng Cauayan matapos umanong makuryente habang isinasagawa ang programa ngayong Sabado, Oktubre 3.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa mga awtoridad, apat na estudyante ang nirespondehan ng Rescue 922 at dinala sa dalawang ospital sa lungsod para sa kaukulang atensyong medikal.
Aabot naman umano sa mahigit 1,000 ang lumahok sa naturang aktibidad, kabilang ang mga magulang ng mga mag-aaral at ilang opisyal ng barangay.
Sinimulan ang fun run dakong alas-4 ng madaling araw sa naturang paaralan. Matapos umikot ng ilang kilometro, bumalik ang mga kalahok sa venue kung saan isinagawa ang bubble party.
Dito umano nakuryente ang ilan sa mga kalahok.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng insidente, partikular kung may grounded wire sa lugar na pinagdausan ng bubble party, lalo na at basa ang paligid nang mangyari ang insidente.
More details to follow.











