Humihingi ng hustisya at pananagutan ang pamilya ng Grade 2 pupil na nasawi matapos umanong makuryente sa isinagawang Bubble and Color Fun Run sa Cauayan South Central School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elsa Dela Peña, lola ng nasawing bata, sinabi nitong nais nilang malaman ang buong katotohanan sa nangyari at papanagutin ang mga responsable sa insidente.
Ayon kay Dela Peña, dahil sa hirap ng buhay ay hindi na niya isinama sa aktibidad ang isa pa niyang apo, habang ang nasawing bata lamang ang nakilahok sa fun run na may bayad na P350 kasama ang nakatatanda nitong kapatid.
Aniya, katatapos lamang ng birthday ng bata noong Oktubre 1 kaya labis ang kanilang pangungulila at panghihinayang sa sinapit nito.
Batay umano sa impormasyong natanggap niya, nagkagulo sa lugar nang biglang matumba ang ilang bata habang nasa bahagi ng aktibidad na basa dahil sa mga bula.
Dito umano nangyari ang pagkakuryente sa ilang kalahok, kabilang ang kanyang apo.
Iginiit ni Delapeña na nais nilang malinawan kung ano talaga ang naging sanhi ng insidente, lalo na kung nagkaroon nga ng electrical short circuit o grounding sa lugar.
Samantala agad namang nagtungo si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy sa naturang paaralan matapos iulat ang insidente.
Pagdating sa paaralan, kinausap ni Speaker Dy ang mga pulis upang alamin ang mga detalye at kasalukuyang estado ng imbestigasyon sa insidente.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng pagkakuryente at kung may naging pagkukulang sa safety measures o sa paggamit ng mga kagamitang sangkot sa aktibidad.
Sinusuri na rin ng operator at organizer ang bubble at color machine na ginamit sa Color Fun Run upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa insidente.











