--Ads--

Nagpaabot ng pakikiramay ang buong pamunuan, mga guro, kawani at School Parent-Teacher Association o SPTA ng Cauayan South Central School sa pamilya ng mga nasawing estudyante kasunod ng insidenteng naganap sa loob ng paaralan habang isinasagawa ang Bubble and Color Fun Run.

Sa inilabas na pahayag ng paaralan, sinabi nitong labis nilang ikinalulungkot ang trahedyang naganap at nakikiramay sila sa mga naulilang pamilya, kanilang mga kamag-anak, kaibigan at sa buong komunidad ng paaralan.

Ayon sa pamunuan, patuloy na iniimbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at mga naging dahilan nito.

Dahil dito, nanawagan ang paaralan sa mga magulang, mag-aaral at iba pang stakeholders na hintayin ang resulta ng imbestigasyon at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, haka-haka o mga pahayag na maaaring makadagdag sa bigat na nararanasan ng mga naulilang pamilya.

--Ads--

Binigyang-diin din ng paaralan na nananatili itong nakatuon sa kaligtasan, kapakanan at kalagayan ng lahat ng mga mag-aaral.

Hinimok naman nito ang mga magulang, guro at iba pang miyembro ng school community na magbigay ng pag-unawa at emosyonal na suporta sa isa’t isa, lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng insidente.

Nanawagan din ang pamunuan na igalang ang privacy ng mga naulilang pamilya at magkaisa ang buong komunidad sa pagharap sa trahedyang ito.

Nagpaabot ang Cauayan South Central School ng kanilang pinakamalalim na pakikiramay at panalangin sa mga pamilya ng mga nasawi.

Patuloy namang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.