--Ads--

Tumanggap na ng financial assistance ang mga rice farmer sa Cauayan City na may sinasakang higit sa dalawang ektarya ng lupa, bilang bahagi ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk o PAFF ng pamahalaan.

Ayon kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, isinagawa ngayong araw ang pormal na pamamahagi ng ayuda para sa mga rice farmer na hindi kabilang sa unang batch ng mga benepisyaryong may dalawang ektarya pababa ang sinasaka.

Matatandaang noong Mayo ay naunang nabigyan ng Presidential Assistance ang mga rice farmer o fisherfolk na may sinasakang dalawang ektarya pababa.

Ngayon naman, isinama na rin sa programa ang mga rice farmer na may mahigit dalawang ektarya ang sinasakang lupa.

--Ads--

Sa isinagawang pamamahagi kahapon, personal ding dumalo si House Speaker Pogi, na nagbigay ng karagdagang ₱300 bilang tulong sa mga rice farmer, bukod pa sa ₱2,300 financial assistance na kanilang natanggap mula sa programa.

Kabuuang 1,314 rice farmers ang nakatanggap ng financial assistance sa isinagawang distribution.

Ayon kay Engr. Alonzo, kabilang dito ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa Cauayan City na may sinasakang higit sa dalawang ektarya.

Ipinaliwanag naman ng opisyal na isinama na rin sa programa ang mga farmer na may higit dalawang ektarya dahil may natirang pondo mula sa inilaan na ₱10 bilyong budget para sa rice farmers.

Aniya, matapos maibigay ang ayuda sa mga kwalipikadong magsasaka na may dalawang ektarya pababa, nagkaroon ng natitirang pondo dahil may ilang nasa listahan na pumanaw na o wala na sa lugar.

Nilinaw naman ni Engr. Alonzo na wala itong direktang kaugnayan sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño.

Sa halip, ang ayuda ay inilaan bilang suporta sa mga magsasaka dahil sa patuloy na pagtaas ng kanilang gastusin sa produksyon, partikular sa farm inputs at presyo ng diesel at iba pang fuel.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na hindi lamang ito ang matatanggap na tulong ng mga magsasaka dahil may iba pang assistance programs na nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan.


Matatandaang noong nakaraang Lunes ay nagkaroon din ng food assistance sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.