Nilinaw ng Department of Agriculture Region 2 ang umiiral na guidelines sa pamamahagi ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk matapos makatanggap ng ilang concern mula sa mga benepisyaryo kaugnay sa pagkuha ng ayuda sa pamamagitan ng authorized representative.
Sa panayam kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino, ng DA Region 2, sinabi nitong nakadepende sa magiging polisiya at koordinasyon ng bawat Municipal Agriculture Office o MAO ang pagpapahintulot sa paggamit ng authorization letter sa pag-claim ng ayuda.
Kung sakali man na lumipat o nagtatrabaho na sa ibang lugar ang isang benepisyaryo ay pwedeng irehistro ang kaanak nito para maging substitute farmer o maging registered RSBA farmer ng palay o mais para mailipat sa mga ito ang assistance na hindi na-claim ng benepisyaryo at para maka-avail pa ng ibang assistance mula sa pamahalaan sa mga susunod na pagkakataon.
Ayon kay Aquino, may ilang distribution areas na agad pinapayagan ang authorization lalo na kung suportado ito ng lokal na pamahalaan at Municipal Agriculture Office na siyang tumutulong sa registration at updating ng records ng mga magsasaka at mangingisda.
Ipinaliwanag din nito na kung walang agarang assistance sa mismong distribution venue ay maaari namang direktang makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa kanilang MAO upang maiparehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA bago sumapit ang deadline sa July 30.
Kasunod ito ng mga reklamo at katanungan ng ilang magsasaka pangunahin na sa Cauayan City kung saan may mga benepisyaryong nasa ibang lugar kaya nahihirapang personal na mag-claim ng ayuda.
Samantala, tiniyak naman ng DA Region 2 na nagpapatuloy pa rin ang distribution ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon upang mas marami pang farmers at fisherfolk ang makinabang sa programa ng pamahalaan.










