Nanawagan ang PAGASA sa publiko na huwag mag-panic buying o mag-hoard ng bottled water sa kabila ng inaasahang epekto ng El Niño sa suplay ng tubig sa ilang lugar.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Dan Villamil, mahalagang magtipid sa tubig ngunit hindi dapat mag-imbak nang sobra ng bottled water dahil maaari itong makaapekto sa pangkalahatang suplay.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na posibleng tumagal hanggang Marso o Hunyo 2027 ang El Niño, kung saan inaasahang makararanas ng mas kaunting pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa.
Tinatayang nasa 40 probinsya ang maaaring makaranas ng mas kaunting pag-ulan sa panahon ng tagtuyot, na posibleng umabot sa 80 probinsya pagsapit ng Enero.
Para sa sektor ng agrikultura, kabilang sa mga paghahandang maaaring gawin ang pagtatanim ng mga pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig.
Samantala, tiniyak ng Department of Trade and Industry o DTI na sapat pa ang suplay ng bottled water at walang pangangailangang mag-hoard.
Paiigtingin din ng ahensya ang price monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer at distributor upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay.
Mino-monitor din ng DTI ang mga reklamo hinggil sa umano’y overpricing ng plastic drums, water containers at iba pang kaugnay na produkto.











