Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang bagyong may international name na Choi-Wan, na nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong alas-2:00 ng hapon, Oktubre 4.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 2,610 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 215 kilometers per hour habang kumikilos pahilaga sa bilis na 15 kilometers per hour.
Samantala, nakaaapekto ang trough o buntot ng bagyo sa Visayas at Mindanao na magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Leyte at Southern Leyte.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga apektadong lugar.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms. Maaari ring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng malalakas na thunderstorms.











