--Ads--

Hindi pa rin ganap na nabubuksan sa mga motorista ang ilang bahagi ng kalsada sa Barangay Labinab, Cauayan City habang nagpapatuloy ang construction, dahilan upang manatiling limitado ang daloy ng trapiko sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, tuloy-tuloy ang deployment ng mga pulis, traffic personnel, barangay officials at flagmen ng kontratista upang bantayan ang sitwasyon at agad na matugunan ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko, lalo na sa oras ng pasok at uwian ng mga estudyante.

Bagama’t mas maluwag na umano ang daloy ng mga sasakyan kumpara sa mga nakaraang araw, nakararanas pa rin ng bahagyang pagsisikip dahil limitado pa ang ilang bahagi ng daanan. May ilan ding naiuulat na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga motorista, bagama’t mas kaunti na umano ito kumpara noong mas matindi ang pagsisikip ng trapiko.

Ayon kay Mallillin, hinihintay na lamang ang pagpapatuyo at tuluyang pagtibay ng ilang bahagi ng kalsada bago ito muling mabuksan at maging two-way ang daloy ng mga sasakyan.

--Ads--

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad, barangay officials at flagmen upang mapanatili ang kaayusan sa lugar at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, motorista at iba pang commuters.