Nakatakdang magsagawa ng working visit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore mula bukas, Oktubre 7 hanggang 11 sa paanyaya ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Analyn Ratonel, nakatuon ang pagbisita sa pagpapalakas ng ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Singapore, partikular sa larangan ng pamumuhunan at iba pang sektor na maaaring magbigay ng mas maraming oportunidad sa bansa.
Magkakaroon din ng bilateral meeting sina Marcos at Wong upang talakayin ang kooperasyon ng dalawang bansa at mga mahahalagang isyu sa rehiyon.
Kabilang sa mga dadaluhan ng Pangulo ang 24th Forbes Global CEO Conference kung saan ilalatag niya sa mga international business leaders ang mga prayoridad ng pamahalaan sa pamumuhunan at mga sektor na may malaking potensyal sa paglago.
Bibisita rin si Marcos sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute upang pag-aralan ang karanasan ng Singapore sa paggamit ng nuclear technology at mga pamantayan nito sa kaligtasan.
Ayon sa DFA, mahalaga rin ang naturang biyahe habang papalapit ang pagtatapos ng termino ng Pilipinas bilang ASEAN Chair bago ito ipasa sa Singapore sa susunod na taon.











