Ginawaran ng pagkilala at final discharge ang 15 probationers matapos matagumpay na makumpleto ang mga kondisyon ng kanilang probation, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., Chief Parole and Probation Officer ng Cauayan City, sinabi niyang kabilang ang mga ito sa mahigit 150 parolees at probationers na dumalo sa aktibidad.
Ayon kay Almeda, layunin ng pagkilala na magsilbing inspirasyon sa iba pang probationers na patuloy na sumunod sa mga kondisyon ng korte at sa kanilang rehabilitation program.
Sa ilalim ng Probation Law of 1976 o P.D. 968, na inamyendahan ng R.A. 10707, maaaring ipagkaloob ng korte ang final discharge kapag natupad ng probationer ang mga itinakdang kondisyon. Nagdudulot ito ng termination ng probation case, pagpapanumbalik ng ilang civil rights at pagkapawi ng criminal liability para sa offense na saklaw ng probation.
Hinimok naman ni Almeda ang mga kasalukuyang probationers at parolees na seryosohin ang kanilang rehabilitation program at sundin ang mga kondisyon ng kanilang supervision para sa matagumpay na pagbabalik sa komunidad.







