--Ads--

Inihayag ng Bureau of Internal Revenue o BIR na nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng compensation income mula sa City Government of Davao noong 2023, batay sa kanyang BIR Form 2316 na nakalakip sa Income Tax Return.

Ayon kay BIR Atty. Anne Lorraine Garcia-Marquez sa Senate Impeachment Court, nakalista ang City Government of Davao bilang employer ni Duterte, bagama’t hindi malinaw kung bakit siya nakatanggap ng naturang compensation o kung anong serbisyo ang naging batayan nito.

Sa pagdinig, binanggit ng prosecution ang Section 13, Article VII ng 1987 Constitution na nagbabawal sa Pangulo at Pangalawang Pangulo na magkaroon ng ibang trabaho, propesyon o ilang financial interests habang nasa termino.

Samantala, lumitaw rin sa mga ITR ni Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City ang “other income” na P3.188 milyon noong 2017, P1.876 milyon noong 2018 at P4.051 milyon noong 2019.

--Ads--

Ayon kay Marquez, walang nakasaad sa mga ITR kung saan eksaktong nagmula ang naturang other income, bagama’t posibleng nagmula umano ito sa kanyang pagpraktis ng propesyon bilang abogado.