Nanawagan ang Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) sa mga member-consumers na magtipid sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang posibleng pagtaas ng kanilang gastusin sa elektrisidad sa gitna ng inaasahang epekto ng Super El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelu Gapusan, Consumer Welfare Officer ng ISELCO 1, sinabi niyang mahalagang maging maingat ang mga consumer sa paggamit ng mga kagamitang de-kuryente upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkonsumo ng enerhiya.
Posibleng tumaas ang konsumo ng kuryente sa panahon ng matinding init, partikular sa mga tahanan at establisimyentong gumagamit ng bentilador at air conditioner upang maibsan ang mataas na temperatura.
Dahil dito, hinihikayat ang mga member-consumers na patayin ang mga ilaw at kagamitang hindi ginagamit, tanggalin sa saksakan ang mga aparatong hindi na kailangan, at limitahan ang paggamit ng mga kagamitang malakas kumonsumo ng kuryente.









