Nangangamba ang Sandiat Irrigators Association o Sandiat CIA sa posibleng epekto ng Super El Niño sa kanilang susunod na cropping season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Irrigators Association President Guillermo “Danny” Ignacio, sinabi niyang maraming magsasaka ang halos hindi kumita ngayong cropping season matapos hindi maabot ang target na ani sa kanilang mga sakahan.
Ayon kay Ignacio, karamihan sa kanilang mga sakahan ay naapektuhan ng tagtuyot, habang maging ang mga lugar na may sapat na tubig ay nakapagtala rin ng mababang ani. Nakatulong aniya ang mataas na presyo ng palay upang hindi tuluyang malugi ang ilang magsasaka.
Sinabi ni Ignacio na pinaghahandaan na nila ang susunod na cropping season. Bagama’t nagsimula nang magpatubig ang NIA-MARIIS, hindi pa umano makapagtanim ang marami dahil hindi pa tapos ang kanilang anihan. Maaari ring masira ang mga nakatanim na palay kung mapapasok na ang tubig habang hindi pa naaani ang kasalukuyang pananim.
Karaniwang nagsisimula sa Disyembre ang planting season para sa main cropping sa kanilang lugar at anihan naman pagsapit ng Marso. Gayunman, dahil sa inaasahang El Niño, pinag-aaralan nilang i-advance ang pagtatanim.
Nanawagan si Ignacio sa mga eksperto at kaukulang ahensya na magbigay ng gabay at tulong sa mga magsasaka upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot at pagkalugi sa susunod na cropping season.









