Ipinaliwanag ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment court ang umano’y dahilan sa likod ng daan-daang libong pisong mga transaksiyon gamit ang credit card ng kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa pagdinig nitong Lunes, tinanong ng defense counsel na si Ferrer ang prosecution witness na si Atty. Alex Cabrera hinggil sa mga gastusin ni Carpio, kabilang ang 489,000 Japanese yen na bill sa isang restaurant sa Ginza, Japan, at mga pagbili sa Nike stores na nagkakahalaga ng mahigit ₱205,000 at ₱93,000 sa SM Davao, gayundin ng ₱256,000 sa Kuala Lumpur.
Ayon kay Ferrer, ang bayarin sa restaurant ay para umano sa isang malaking grupo na walang dalang Japanese yen kaya ginamit ang credit card ni Carpio.
Ipinaliwanag din ng depensa na ang mga biniling sapatos at iba pang gamit sa Nike ay inilaan umano para sa basketball team ng anak ni Carpio.
Gayunman, sinabi ni Cabrera na wala siyang kaalaman sa mga naturang paliwanag hinggil sa mga transaksiyon.











