--Ads--

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Second Division nitong Martes si Iloilo Representative at dating Health Secretary Janette Garin at mga kapwa akusado sa kasong graft kaugnay ng pagbili ng ₱3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccines noong 2015.

Kabilang sa mga akusado sina dating Health undersecretaries Gerardo Bayugo at Kenneth Hartigan-Go, gayundin ang ilang dating opisyal ng Philippine Children’s Medical Center.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y iregularidad sa pagbili ng Dengvaxia para sa school-based immunization program ng administrasyong Aquino.

Tinanggap naman ni Garin ang desisyon at sinabing panalo ito para sa mga siyentipiko at eksperto sa pampublikong kalusugan na sumuporta sa programa ng pagbabakuna.

--Ads--

Noong Oktubre 2023, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at technical malversation laban sa mga opisyal dahil sa umano’y ilegal na paggamit at paglalaan ng pondo para sa pagbili ng bakuna.

Naging kontrobersyal ang Dengvaxia noong 2017 matapos magbabala ang manufacturer na maaari nitong mapataas ang panganib ng malalang dengue sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit.