--Ads--

Nauwi sa karahasan ang ikalawang araw ng protesta ng mga estudyante sa Albania matapos masunog ang gusali ng Education Ministry at isang bangko sa kabisera ng bansa, habang gumamit naman ng tear gas at water cannon ang mga pulis upang itaboy ang mga demonstrador.

Libu-libong nagprotesta ang nagtipon sa harap ng tanggapan ng Education Ministry nitong Miyerkules, Oktubre 14.

Ayon sa mga kuhang video, may ilang demonstrador na naghagis ng mga laryo sa gusali, nagbaklas ng mga metal barrier sa bangketa at nagpabaligtad ng mga basurahan.

Nasunog din ang isang bangko na malapit sa tanggapan ng kagawaran.

--Ads--

Itinuturing ang insidente bilang pinakamalubhang pagsiklab ng karahasan sa mga protestang laban sa korapsyon na nagsimula noong Mayo at patuloy na nagdudulot ng hamon sa pamahalaan ni Prime Minister Edi Rama.

Kinondena ni Deputy Prime Minister Albana Kociu ang karahasan at paninira sa mga ari-arian, bagama’t kinilala niya ang karapatan ng mga mamamayan na magprotesta.

Samantala, sinabi ng mga organizer na ang kanilang pagkilos ay bunsod ng mga hinaing sa kalagayan ng mga unibersidad, mataas na gastos sa edukasyon, kakulangan ng pinansyal na suporta at limitadong oportunidad sa trabaho matapos makapagtapos.