Pagpapalawak ng access sa mga serbisyong pangkalusugan at pag-iwas sa mas malubhang karamdaman ang layunin ng kauna-unahang Community-Based YAKAP Caravan ng PhilHealth na isinagawa sa Barangay Minante I, Lungsod ng Cauayan.
Sa pamamagitan ng aktibidad, direktang inilapit sa mga residente ang iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, kabilang ang konsultasyon, laboratoryo at diagnostic tests, gayundin ang cancer screening para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Isinagawa ang caravan sa pakikipagtulungan ng PhilHealth at lokal na pamahalaan ng Cauayan City sa pamamagitan ng City Health Office III upang mas mapalapit sa komunidad ang mga pangunahing serbisyong medikal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alexander Arellano, hepe ng PhilHealth Cauayan, ipinaliwanag nitong nakasentro ang YAKAP program sa pagpapalakas ng primary care services o mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Layon nitong mahikayat ang mga mamamayan na magpatingin at magpakonsulta habang maaga upang matukoy ang mga posibleng karamdaman bago pa lumala ang kanilang kondisyon.
Binigyang-diin ni Arellano na mahalagang mapalakas ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan upang maagapan ang mga sakit at maiwasan ang pangangailangang maospital ng mga pasyente.
Sa ilalim ng YAKAP program, maaaring mag-avail ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng konsultasyon, laboratoryo at diagnostic tests, gayundin ng cancer screening depende sa kanilang pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Mayroon ding benepisyo para sa mga gamot alinsunod sa mga kondisyon at itinakdang benepisyo ng PhilHealth.
Bukod sa pagbibigay ng serbisyong medikal, tinutulungan din ang mga residenteng hindi pa miyembro ng PhilHealth sa pamamagitan ng pagpaparehistro, sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development Office.











