--Ads--

Sinibak sa puwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang tatlong opisyal ng ahensya sa Davao City sa gitna ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y anomalya sa mga flood control project sa lungsod.

Kabilang sa mga tinanggal sa puwesto sina Davao District Engineer Richard Ragasa, Assistant District Engineer Lilibeth Sarmiento, at Construction Chief Roberto Mamaril.

Samantala, sinibak din ni Dizon si Engineer Roberto Catingub, construction chief ng DPWH Cebu 4th District, dahil sa umano’y pangingikil sa mga contractor.

Ayon kay Dizon, ipinatutupad niya ang one-strike policy sa ahensya bilang bahagi ng mga hakbang laban sa katiwalian.

--Ads--

Matatandaang naghain ang NBI ng mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa 11 opisyal ng Genesis88 Construction Inc., gayundin sa mga hindi pa pinangalanang indibidwal, kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Davao City.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, may nakita silang posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa isinagawang imbestigasyon.